Artista

Wala sa kalingkingan ng karamihan sa atin ang maging isang artista. Kadalasan kung medyo pango ang ilong, ang role na parang katangi-tanging hantungan ay maging isang kontrabida. Yong palaging nababaril ng leading man, yong palaging itinuturo na rapist at bad boy ng leading lady.

Matatangos lang ang ilong ng maaaring maging bida. Makikinis ang balat, pantay ang mga ngipin, konti ang pimples. Hindi mo na kailangang matutong umiyak kung drama ang pinag-uusapan, o matutong tumawa kung comedy naman. Basta pogi at cute ka, okay na. Pwede ka nang maging artista.

Madali lamang gawin ang umiyak kung iisiping drama lang ang buhay. Madaling tumawa kung ito lamang ang paraan para mailabas ang dalamhating nararamdaman. Madaling patuluin ang luha kung isiping may nagugutom at nasasaktan sa mga minamahal natin. Madaling pagbuhusan ng pawis at pagod ang tawag ng pelikula kung inaakalang ito lamang ang paraan para tumawang muli.

Pasalamat na lang sa Maykapal at naging matangos ang ilong, naging pantay ang mga ngipin, naging maramot ang mga pimples sa pag-usbong. Pasalamat na lang sa Diyos at naging isang artista. Naging kilala. Naging laman ng pahayagan, radyo at TV. Naging usap-usapan.

Hanggang dumating ang panahon na hangaring maging isang politiko. Konsehal, mayor, gobernador, congressman, senador, presidente. Maaaring maging isa sa mga ganoon, dahil isa ngang artista. Kung nagawa ng iba, bakit hindi rin natin magawa? Mas pogi naman tayo sa kanila. Mas makinis naman ang ating balat kaysa sa kanila. Mas pantay naman ang ating mga ngipin kaysa sa kanila.

Artista nga lang tayo, ngunit hangad naman natin ang kabutihan ng karamihan. Artista nga lang tayo, ngunit mithi naman natin ang pag-usbong ng ating lipunan. Artista nga lang tayo, ngunit nais naman natin ang hangarin ng lahat.

Kung sa bagay, kung hindi tayo artista makikilala kaya tayo nila? Kung hindi tayo artista, makukuha ba natin ang kanilang mga boto? Kung hindi tayo artista, makikilahok ba tayo sa politika?

Itatago na lamang ng TV ang ating tunay na dahilan. Itatago na lamang ng radyo ang tunay na sinasaad ng ating puso. Itatago na lamang ng sine ang ating tunay na damdamin.

Kayang tumawa kahit na walang nakakatawa. Kayang umiyak kahit na walang nakakaiyak.

Dahil artista tayo.



14 April 2007

No comments: