Kamote


Si Estong na yata ang pinakapaham sa mga naging kaklase ko. Medyo nakausli ang isa niyang ngipin kaya magaling din siyang sumipol. Pareng Estong ang tawag namin sa kanya, dahil bihasang bihasa siya sa wikang Tagalog, di tulad kong maypagka-Bisaya pa ata ang aking balarila.

Natutunan ko kay Pareng Estong ang kahalagahan ng pag-upo sa unahan ng bus: dahilmas madali daw kaming makarating kesa sa mga taong naka-upo sa hulihan, ang pagtulog na naka-upo sa halip na nakahiga: dahil walang pinipili daw ang tulog, at ang dahilan kumbakit meron tayong pera.

Dahil daw yon sa kamote.

Noong unang panahon, sabi niya, ang mga lolo natin ay pawang magsasaka. Iyong iba, nagsasaka ng palay. Iyong iba, nabubuhay sa tubo at niyogan. At iyong iba nama'y sa kamote.

Kamote ang ginagawang batayan kung may kailangan ang magsasaka ng palay sa magsasaka ng tubo. Kamote ang nagiging palitan kung nais ni magsasakang palay ng konting tamis sa kanyang kanin, o kung nais ni magsasakang tubo ng konting ginataang gulay galing sa magsasaka ng niyog.

Kamote.

Di nagtagal, pera ang ipinalit sa kamote. At di rin nagtagal, may mga taong mas naging mahal ang pera kaysa sa kamote. Bumaba na ang halaga ng kamote. Nag-iba na ang tingin sa pera.

Sa ibang mga kakilala natin, pera ang nagpapatakbo ng kanilang mundo at buhay. Dahil sa pera, nagkaroon tayo ng iba't-ibang ari-arian: lupa, bahay, kotse, bisekleta, radio, TV, tiyani at marami pang iba. Dahil sa pera, natuto tayong maghanap-buhay, habang ang mga may-ari naman ng funeral parlors ay naghahanap ng patay. Dahil sa pera, nalaman nating gamitin ang ating mga kukote. Wala ng silbi ang kamote. Mayroon ng pera.

Pera din ang naging tukso ng karamihan. May mga naging ganid at hayok sa pera. May mga naging makasarili. May mga naging mapag-api.

Ngunit meron ding iba na naging mapagbigay. May mga tao ring nakaalam na hindi lamang pala sa pera nabubuhay ang tao. May mga tao ring nakabatid na nagiging hadlang pala ang pera kung hindi ito ginagamit batay sa utos ng Maykapal.

Sa kamote daw nagsimula ang pera, sabi ni Pareng Estong. Sana hindi na lang naimbento ang pera. Dahil kung kamote lang ang ating ipinagpapalit sa isa't-isa, matututo tayong ingatan ito, gamitin habang hindi pa nasisira at nabubulok, lulutuin kung kinakailangan at ibahagi sa mga nagugutom.

Di tulad ng pera, hindi nga nasisira tulad ng kamote, ngunit naloloko naman ang mga taong humahawak nito. Lalo na kung nagiging sobra sa dapat na kailangan. Lalo na kung sarili ang mas inaasam-asam. Lalo na kung ayaw alamin kumbakit mayroong kamote sa buhay ng tao.

23 February 2007

No comments: