Regalo at Kanlungan

Naiiba si Tabo sa mga taga Hospicio de San Jose. Katamtaman ang kanyang taas. May kakapalan ang kilay. May kahabaan ang patilya na hinahabol ang nagpapaalam na buhok. At, medyo may kulang sa kanyang pag-iisip.

Hindi niya kilala ang kanyang mga magulang o kung sino ang naglagak sa kanya sa ampunan. Dahil medyo matanda siya sa akin at palaging nakapolo shirt kung kasama ko, madalas siyang napagkakamalang pari. Ako, at ang aking camisa chinong t-shirt, ang kanyang driver.

Isang pasko noon, may binigay siyang regalo sa akin. Regalong bigay din sa kanya. Maliliit na figurine ng mga anghel. Siguro, mag-iisang dosena. Babasagin silang lahat. Iba't-iba ang kulay. Iba't-iba ang hugis ng mga pakpak. Baka naisip niyang mas kailangan ko ang mga anghel, kaya sila'y nagliparan at humantong sa aking harapan.

Panahon din iyon ng pagbisita sa Hospicio ni Aga Muhlach, isang artistang mataas lang ng konti kay Tabo at medyo nakaabante ng limang paligo. Isang trak ng regalo ang dala ni Aga. May doll, may baril-barilan. May stuffed toys, may mga damit.

Habang naghihilera ang mga bata sa pagtanggap ng regalo, isang anim na taong gulang ang parang walang gana na nakalinya. Makikita mo sa kanyang mga mata ang kalungkutan, at parang may hinahanap. Julie ang kanyang pangalan.

Makinis at longlegged si Barbie Doll. Walang pakialam si Julie. Malalaki ang stuffed toys na ipinapamudmod. Walang pakialam pa rin si Julie. Nasa linya lang siya. Handang kunin anumang ibigay sa kanya.

Baka kako napakaaga ng Pasko ni Aga, kaya parang sinampayan ng damit ng Indiang nagpa-five six ang mukha ni Julie. Namimigay na noon si Aga ng Chicken Joy nang tanungin ko si Julie. "Julie, anong gusto mong regalo galing sa trak ni Aga?" Tumingin siya sa akin at nagsabing, "Pakikalong lang po ninyo ako, Kuya."

Kalungin siya. Damhin siya. Ipabatid sa kanyang siya'y isang bata na ang kaligayaha'y wala sa regalo kundi sa isang kanlungang hinahanap sa magulang na nawawala o baka ayaw siyang hanapin at kanlungin.

Kanlungan. Hindi ba ito rin ang hinahanap ng Panginoong Hesus? Ang kanlungin siya ng sangakatauhan. Noong magsadya ang anghel na si Gabriel sa bahay ni Maria, hindi ba naghahanap ito ng isa ring kanlungan? Kanlungang nagsasabing tinatanggap ka ng walang pagdududa't alinlangan. At hindi ba ito rin ang palagiang sadya ng Mahal na Birhen sa tuwing magpapakita siya sa atin? Ang matuto tayong kanlungin ang Panginoon sa oras ng tukso. Ang matuto tayong magpakanlong sa Diyos sa oras ng panganib at pangangailangan.

Kanlungan. Paalala ng Simbahan lalo na kung Pasko. Araw-araw na paalala ng Diyos sa tao. Ang kanlungin si Hesus sa ating buhay, sa ating mga pangarap, sa ating mga mithiin. Ang kanlungin si Hesus sa gitna ng ating mga suliranin, pasakit, at iba't-ibang regalo. And maging kanlungan din ng mga batang tulad ni Julie, at ng mga batang-isip na tulad ni Tabo.

Sa anghel na regalo sa akin ni Tabo, sa anghel na si Julie na sa oras na iyon ay gumising sa aking natutulog na pangangailangan, natutunan ko ulit ang dahilan ng Pasko.

Naparito si Hesus sa mundo hindi lamang para ipabatid Niyang mahal niya tayo, kundi upang ipakita niyang dapat magmahalan tayo. Iyan marahil ang tunay na regalo ng Pasko.
Hindi lamang sa pagbibigay, kundi sa pagmamahal ng nagbibigay. Hindi lamang sa pagkanlong ng mga taong may kulang, kundi sa kanlungan na dapat manatili sa mga taong puno at walang pagkukulang. Hindi lamang sa regalo, kundi sa kanlungang banal: ang Mahal na Birhen sa sanggol na si Hesus at ang Panginoong Hesus na nagpuno ng lahat ng ating pagkukulang.


2 December 2006

No comments: