pogi at cute

Kahit na may kakapalan ang kilay ko, kahit na naghahabulan sa pag-usli ang harapan kong ngipin, at kahit na palagi akong napagkakamalan na tsekwa kesa Pinoy, ang Nanay ko lang ata ang tunay na makapagsasabing pogi ako. Kung sabagay, walang pangit na anak sa sinumang Nanay. Palaging pogi. Palaging beautiful. Palaging cute.

Iba't-iba ang pananaw natin sa kagandahan. Kaya hindi ako naniniwala sa beauty contest dahil iba't-iba nga ang ginagamit na criteria. Kesyo swimsuit competition na may kasama pang puting usok, daig pa ang pagpili ng Santo Papa. Kesyo evening gown competition na kung tutuusin, hindi naman talaga ganoong klaseng gown ang pangkaraniwang ginagamit. Kesyo talent competition na pilit pinapakita ang katangitanging talent, kung meron man. At question and answer portion na kung saan naghahandusay ang iba't ibang klaseng English words na parang hinukay, pinulot at isiniwalat sa audience na karamihan ay pintasero at naghihintay ng kamalian.

Kung tutuusin, mas mabuti pa siguro kung money contest na lang. At least, may bilang na lalabasan. Madaling i-quantify. May tatlong gabing canvassing na kasama ang sayawan at inuman. At maraming tao pa ang matutuwa: mga nagtitinda ng barbecue, ice-drop, mani, siopao, balut at kung anu-ano pa.

Pero, hindi po iyan ang paksa ng ating pananalaysay. Dahil isang babala na palaging ibinibigay sa karamihan ang huwag maniwala sa mga pogi, o sa mga cute. Kaya tama si Andrew E., na medyo may kalayuan sa kahulugan ng pogi. Sabi niya dapat daw tayong humanap ng pangit at ibigin nating tunay. Dahil tulad ng mga cute sa ngayon, ang pagiging pogi ay lumilipas. Dahil tulad ng pagiging cute, ang pagiging pogi rin ay natatapos.

Pagkatapos umusbong ang mga naghihiyawang taghiyawat, pagkatapos magtalunan ang mga naglulundagang white heads, pagkatapos magsiksikan ang nagpi-people power na mga kulubot, at mag-eksena ang nagpaparadang mga puting buhok, goodbye na si pogi, goodbye na si pretty woman, goodbye na si cute.

Isang paalala rin sa mga taong mahilig sa mga pogi at magaganda na walang pangit na demonyo. Karamihan ng mga pogi ay mababango, tulad din ng tukso na mabango rin sa una. Karamihan ng mga pogi ay malinis tingnan, tulad din ng tukso na nakakaakit tingnan. Karamihan ng mga pogi ay matatamis ang mga dila, tulad din ng tukso na napakalagkit ng dikit kapag pinagbigyan.

Kabanguhan, kalinisan, katamisan. Ang lahat ng ito ay kagandahan na kailangang hindi dapat panandalian lamang. Dahil kung ito ay panandalian, nagiging mabaho ang dating mabango, nagiging marumi ang dating malinis, nagiging mapakla ang dating matamis.

Tulad ng demonyo. Mukhang mabango, mukhang malinis, mukhang matamis, mukhang pogi, mukhang cute. Pero, kung tutuhanin at tutuusin, hindi naman.

15 December 2006

No comments: