Orasan at Oras na: isang pagninilay-nilay


Kung sa Ingles may mga tongue twisters na “She sells seashells on the seashore” at “How much wood would a woodchuck chuck if a woodchuck would chuck wood?” tayong mga Pinoy naman ay may pambaluktot din ng dila, tulad ng “Bituka, butika, butiki,” “Tinali, tinalo, tinola,” at “Ang relo ni Leroy Rolex.”

Sa tatlong original na ito, mas may pagka-slang ata yong pangatlong tongue twister. Una, Rolex. Mayayaman lang ang mayroong Rolex. Yong tunay na Rolex, ha? Pangalawa, Leroy. Sinong magulang ba ang magpapangalan ng Leroy sa kanyang anak? Sankatutak na kantiyaw ang aabutin niyan paglaki. Leroy, Leroy, sinta. At pangatlo, relo. Hindi makabayan, hindi pilipino, hindi tagalog. Relo. Galing sa wikang Kastila na reloj.

Sa wikang Ingles, watch ang tawag sa oras. O kung di naman ay time. Oras naman at orasan sa wikang mahal nating mga anak ni Dagohoy. Sa mga Griyego naman, ito ay chronos at kairos.

Ang Chronos ay pangkaraniwang ginagamit. Ang kairos naman ay may pagkakaiba. Ang chronos ay quantitative o malapit sa bilang at paborito ng mga matitinik sa math at sudoku. Ang kairos naman ay qualitative o may kinikilangang pakiramdaman. Kung ang Chronos ay ordinary, ang Kairos ay special. Kung sa halo-halo, ang Kairos ay may kasamang ice-cream, leche flan at dagdag na gatas. Wala niyan ang Chronos.

Anong oras na ba? Yan ang chronos. Kailan ba darating ang oras na matutupad ang ating mga pangarap? Kairos po iyan. Ang oras na may k. Ang oras na tamang tama lang ang timpla sa ating paglalakbay. Ang tamang oras na hindi nakukuha sa bilang. Kundi sa konting pagpasensiya at sa matinding pagtitiwala sa Nagbigay ng oras.

Kung sabagay sabi ng mga pilosopo, nasa isip lang natin ang oras. Mga Mesopotamian ata ang nag-imbento nitong mga 60 seconds, 60 minutes, 12 at saka 24 hours. Ano nga ba kung 10:10 P.M. na ngayon? Sa mga oras na ito na pilit pinapatugma ng Swatch ko, ibang oras naman ang sinasambit ng Guess mo. At sa sandaling sabihin kong 10:10 P.M. na, hindi tumpak. Dahil lumipas na ang ilang saglit. Hindi talagang 10:10 P.M.

Pero, ewan ko nga ba. Mabilis ang oras sa mga nag-eenjoy nito, may kabagalan sa mga naghihintay. Kaya tanong ko, oras na nga ba para patigilin sandali ang sarili nating mga orasan at isipin ang mga bagay na malawak pa sa oras?

O ang orasan ba ang siyang hudyat para malaman nating oras na?

11 October 2006


No comments: