Pag-ibig at Pagmamahal

Sabi nila, mahirap daw ang umibig. Sa tingin ko di naman. Sa palagay ko, parang hindi. Palaisipan siguro. Misteryo. Guniguni kung minsan. Pero, mahirap?

Marami kasing nagsasabing may iniibig daw sila. At sabi pa nga, umiikot daw ang mundo dahil sa pag-ibig. Ewan ko nga ba kung kaugnay ng axis ng mundo ang ating mga puso. Parang napakalayo naman. Siguro, gravity. Dahil di ba parang bumabagsak ang puso pagkatapos nitong magmistulang kwitis pataas?

Basta ang alam ko, mahirap magmahal. Madaling umibig, mahirap magmahal.

Kung may musika ang pag-ibig, wala noon ang pagmamahal. Kung nagiging makata ang umiibig, wala noon ang nagmamahal. Kung nagkakaroon ng kulay at tibok ang mundo dahil sa pag-ibig, kulang noon ang pagmamahal.

Dahil ang taong nagmamahal ay kadalasang katibok na ng musika, kasabay na ng tula, at kaagapay na ng kulay at galaw ng mundo.

Dahil ang taong mapagmahal ay karugtong na ng taong minamahal, di alintana ang dusa sa ligaya, ang pighati sa tuwa, ang kalungkutan sa saya.

Dahil sa taong minahal. Ng Diyos na mahal.

14 September 2004

No comments: