Ibang Kaisipan

Memorial ngayon ni San Juan Chrysostom. Tawag sa kanya Chrysostom dahil golden tongued daw. Ibig sabihin magaling magsermon. Magaling magbigay ng homily.

Ngunit kung buhay si Juan Chrysostom ngayon, mukhang mahina siya kung ihalintulad sa iba nating mga golden tongued din. Kulang ang two hours para matapos niya ang isang sermon. Sabagay, noong mga panahon wala pang cable TV, Internet at Filipino Chapel. Kaya, libangan ng mga tao ang simbahan.

Dahil sikat si John at sinusunod niya ang utos ng kanyang homiletic teacher na “the word of God should comfort the troubled and trouble the comfortable,” marami siyang nakaaway. May nagsabing kabit niya ang biyudang si Olympia at may ginagawa silang atsetseng. As usual, kabaliwan ang magtiwala sa mga sabi-sabi. So, ginawa ng emperada o empress sa English, pinadala niya sa Dapitan si John Chrysostom. Para siyang si Rizal. Exiled in Dapitan. Pero di siya sa Dapitan pala dinala, dahil wala pang Dapitan noon.

Eto ang natutuhan ko sa kanya: galing sa puso ang kanyang sermon kaya naging sikat siya. Kung galing sa utak, malamang theologian lang siya. Kung galing sa bulsa, malamang parang businessman siya. Ngunit dahil galing sa kanyang butihing puso, marami siyang nasabing kabutihan at nauukol sa salita ng Panginoon.

Karamihan sa mga pari natin ay magagaling magsermon. Ngunit parang correlative na ang sermon sa kanilang pagkapari. Kung pangit ang sermon, parang nabawasan ang pagkapari. Parang di tama. Dahil mas mahalaga ang pagiging pari keysa sa pagiging palasermon lamang.

Magaling ngang magsermon, ngunit hindi naman galaw, ayos at ugaling pari. Then, walang epekto ang sermon. At kung sa sermon lang tayo magbabase ng pagkapari, di ba parang tulad lang sila ng ibang mga nanay na nakadaster, nagsesermon, dadak ng dadak, papunta sa wala, paudyok udyok lang, taas pa ng boses, baba pa ng boses…

Ngunit wala naman palang laman.


13 September 2004

No comments: