Cornelio at Cipriano

Memorial ngayon ni San Cipriano at San Cornelio.

Si Cipriano ay obispo. Si Cornelio naman ay naging Santo Papa. Ngunit kung tutuusin mas mahalaga si Cipriano sa kasaysayan ng simbahan. Kundi dahil kay Cipriano, malamang di naging Santo Papa si Cornelio.

Uso noon ang mga anti-Popes. At si Novatian ang naging anti-Pope. Madaling tandaan ang kanyang pangalan dahil malapit sa Novocaine at Noxzema. Maige na lang at talagang nabantayan ng dalawang santong ito. Kung hindi, marahil mga Novatiano na ang tawag sa atin ngayon.

Marami na ring naging Anti-Pope ang simbahan. Marami na ring naging kalaban ang simbahan. Pilit pinapatumba ngunit hindi kaya. Paano nga naman mapapatumba ang isang simbahang pinangakuan na tutulungan magpakailanman ng Panginoong Hesus?

Sa katunayan, hanggang sa ngayon marami pa ring anti popes ang simbahan. Maraming ayaw maniwala sa utos ng simbahan. O kung maniwala man, ayaw sumunod sa kanyang mga tagubilin.

Nandyan ang mga taong gustong baguhin ang takbo ng simbahan. Sabi ng iba, mag-asawa na raw ang pari dahil kulang na ang mga nagpapari. Di naman talaga nag-aasawa ang pari, sabi ng isang pilyo. Nagkakabit lang. Dahil kung mag-asawa ang pari, di na ito makakapagpari. Automatically excommunicated, wika nga.

At sabi pa ng iba, ba’t hindi na lang dang gawing pari ang mga babae? Tama ba naman yan. Di ba may mga babaeng pari na tayo? Ba’t dadagdagan pa?

May mga paring galaw babae. Na akala mo nagrarampa sa simbahan kapag nagmimisa. Namimilantik ang mga kamay, may singsing na ang bato ay kasinglaki ng Bundok Ararat, na kulang na lang sabitan sila ng sash, at itanghal na “Miss Congeniality.”

Hindi maitatanggi natin na may mga paring gustong maging pari dahil type na type nilang magbihis babae. Mahaba ang damit. May lace ang gilid at para silang nakagown na pleated at kung minsan, beaded.

Salamat na nga lang at kahit ganito tayo, napapasensiyahan pa ng Panginoon. Ang bawat ordinasyon sa pagpapari ay hudyat ng kanyang pag-asa na magbabago pa ang simbahan.

At dumami man ang mga babaeng pari, o mga kalaban ng Simbahan, magkakaroon at magkakaroon ng mga taong tulad nina Cipriano at Cornelio na tapat sa simbahan at tapat sa mga salita at kautusan nito.

Kahit na at kahit pa.



16 September 2004

No comments: