Si Goyong Magsasaka

Si Goyo ay isang tangang magsasaka na parang ako rin. May kasintahan siyang ubod niyang mahal na hindi naman tanga, pero ewan ko nga ba. Goya ang tawag sa kanya. Maligaya sila sa kanilang pagiging magsing-irog, tingin ko. Parang ayaw nilang humiwalay sa isa't isa kapag nagkataon na magkasama. Ang mga oras sa kanila'y mistulang jetplane na inihagis ng isang higante, matulin, isa ang direksiyon, humahagibis.

May mga oras ding nag-aaway sila. Parating si Goyo ang may kasalanan. Umiiyak na lang si Goya. Kung nagkataon man na mali si Goya, hindi umiimik si Goyo.

Alam mong mayroon silang alitan kung ang asta ni Goyo'y parang may toyo. Mahirap kang makakita ng ganoong tao: tangang may toyo. Naalala ko ang sabi minsan ng isang kababaryo: Maige pa ang baliw may pagamutan, ang tanga wala.

Kung minsan iba't ibang bagay ang naiisip ni Goyo. Nais niyang ibigay ang sarili, o kung makakaya, ang lahat ng kanyang sarili kay Goya. Nakakapagsinungaling siya sa kanyang mga magulang, nakikipag-away siya, nakikipagtalunan siya dahil lang kay Goya. Nguni't ang lahat ng ito'y kulang pa sa ipinababatid niyang pagmamahal, isip niya.

Isang araw, parang may toyo na naman si Goyo. Nag-away nga ang dalawang magsing-irog. At doon inisa-isa ni Goya ang mga kamalian ng magsasakang ito.

"Magnanakaw ka," sumbat ni Goya. Naalala ni Goyo ang nais ipabatid ng kanyang mahal: damit ng kanyang OFW na kapitbahay. Sinungkit niya ito noong madilim ang buwan upang ibigay kay Goya sa kaarawan nito. Nalaman na lang ni Goya ang kalokohan ng kanyang kasintahan nang makasalubong niya sa palengke si Ms Abu Dhabi. Murang katakot-takot at sanlaksang irap ang inabot ni Goyo. Daig pa ang digmaan ng Hapon at Kano.

"Madalas mong banggitin ang mga bagay na hindi dapat," saad naman ni Goya. Tumikhim si Goyo. Narinig pa niya ang huling sambit ni Goya, "Napakatanga mo! Wala ka man lamang ni katiting na dunong." Napangiti na lamang si Goyo. Pilit niyang pinasaya ang sarili.

"Pero, mahal mo pa rin ako?" tanong ni Goyo."Ba't ba napakakulit mo? sabi naman ni Goya. "Hanggang dito ba nama'y mangungulit ka pa?" Sasagutin sana ni Goyo, "Dahil mahal kita." Ngunit hindi niya ito naisaad. Baka sabihing tanga siya. Ulit.

At nagkahiwalay sila: masayang konti. Si Goya, sa paaralan. Si Goyo, sa bukid.Naupo na lamang si Goyo sa parang. Iniisip niya ang mga pangyayaring lumipas. Hindi niya mapigilang sipain ang kanyang kalabaw. Nagdaramdam siya.

"Ganoon pala iyon," isip niya. "Kung pilit mong pasayahin ang isang taong mahal mo, baka minsa'y magalit pa sa iyo. Tulad ni Goya. Kung ibigay mo sa kanya ang lahat, baka mawalan ka pa na ng ibibigay," sabi ni Goyo, sabay buntong-hininga. Ngunit wala siyang magawa. Ganito siya magmahal. Mali ba ang ganitong paraan? Masakit ang pagsabihan ng iyong mahal. Lalo na kung sa bibig mismo ng iyong irog mangagaling ang mga mararahas na salita.

Naalala niya ang sabi ng kanyang guro sa elementarya. Oo, kahit siya tanga, may naalala rin. Wala pang Alzheimer's. Sabi ni Ginang de los Santos noon, "Hindi lahat ng legal ay tama. Hindi porke't dapat kang magbuhos ng iyong galit ay ibubuhos mo lahat. May mga bagay na pansamantalang itinatago. May mga bagay na nararapat na itago. Lahat ay may sariling panahon."

"Mahirap pala ang magmahal," sabi ni Goyo, sabay hataw ulit sa kanyang patpating kalabaw.

14 November 1984

No comments: