Pagmamahal sa Banal na Tinapay

Karamihan sa atin ay nakaranas nang umibig. Marami na rin sa atin ang may karanasan sa pagmamahal. Hindi lamang kaligayahan ang dulot sa isang taong umiibig, kundi siya’y nabibigyan rin ng sapat na lakas upang pag-ibayuhin ang pag-ibig na nadarama.

Kung minsan ang isang taong umiibig ay nakakalimot. Sapagkat siya’y mahina, nagkakaroon siya ng pag-aalinlangan. Sapagkat wala siyang nakikitang palatandaan, nagkakaroon siya ng pagkabagot at katanungan.

Ito marahil ang dahilan kung bakit ipinaparinig ni Kristo muli sa atin ngayong Linggo ang kanyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Tinapay. Alam niyang madaling makalimot ang tao, alam niyang kinakailangang magkaroon tayo ng sapat na lakas upang ipalaganap ang kanyang pag-ibig, alam niyang mahihina tayo kung wala Siya sa piling natin. Kung kaya, ang Banal na Tinapay, ang Ostya ng Kaligtasan ang magsisilbing lakas, gabay at palatandaan natin.

“Rabi, kailan pa kayo rito?” tanong nila. Hindi sinagot ang kanilang tanong ng Panginoon. Sa halip, pinagsabihan silang hanapin Siya upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Dagdag pa ni Kristo, “Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog.”

Hindi ba malaking kahihiyan ang pagsabihang kaibigan lang natin ang isang tao dahil sa palagi tayong binibigyan niya ng pagkain at tayo’y nabubusog? Hindi ba isang kahihiyan sa isang tao na pakatapos makasama si Kristo sa Capernaum noong mga araw na iyon ang tingin lang niya sa ating Panginoon ay tagabigay ng pagkain, tagapagmilagro ng mga tinapay?

Ngunit iyan ang palagiang nangyayari sa atin. Kaibigan lang natin si Kristo dahil inuutusan natin Siya kung minsan sa ating mga panalangin, dahil marami tayong kahilingan sa Kanya, at kadalasan ang kahilingang yaon ay kanyang pinapakinggan.

Bigyan natin ng tamang kahulugan ang ating buhay. Oo nga’t marami tayong mga kahilingan sa kanya, ngunit hindi sapat iyon upang tayo’y mabuhay. Mas kinakailangan natin ang Tinapay na galing sa langit, ang pagkaing nagbibigay-buhay.

Mas mahalaga pa si Kristo kaysa sa kahilingang manalo sa lotto, o panatiliing malakas at masaya. Mas mahalaga pa si Kristo sa kahilingang magkaroon tayo ng katahimikan at kapayapaan sa mundong ito. Mas mahalaga pa si Kristo sa kahilingang iligtas tayo sa lahat ng sakuna at panganib. At mas mahalaga pa si Kristo sa mga pagnanais nating maging banal, maging magaling, maging kilala sa lipunan. Mas mahalaga pa si Kristo kaysa sa paghahangad na maging abogado, inhinyero o di kaya’y doktor.

Sa gitna ng mga sari-saring unos na ating naranasan, sa harap ng iba’t-ibang pag-ibig at pagmamahalan na ating nadarama, sa mga pagsubok at mga pag-aalinlangan, inaanyayahan ulit tayo ni Hesus na dumulog sa Kanya sa pamamagitan ng Banal na Tinapay. Sapagkat ang lumalapit sa Kanya ay hindi na magugutom at ang nananalig sa Kanya ay hindi na mauuhaw kailanman.

Marami sa atin ang umiibig at nagmamahal. Sa Pagkaing bigay ng Dios nadarama muli natin ang kanyang pagmamahal. Sapagkat tulad ng pag-ibig at pagmamahal, ang Banal na Tinapay ay walang pagmamaliw, walang hangganan at walang wakas.

3 August 1997

No comments: